Maayos, payapa at naging maganda ang resulta ng unang araw ng local campaign period dito sa probinsya ng Pangasinan.
Sa katunayan ayon mismo kay Police Captain Ria Tacderan, Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, walang anumang naitala na untoward incidents lalo na sa mga kandidato at mga supporters maging sa ibang mga kaso tulad ng shooting incidents at stabbing.
Giit nito na lahat ng mga tumatakbong kandidato sa iba’t-ibang posisyon na mayroong nararamdamang threats o pananakot sa kanilang buhay ay agad ng nakapag request ng security kung kayat bukod aniya sa pagsasagawa ng police operations ay kanilang sinisiguro na mababantayan ang mga ito.
Unang araw pa lamang ng lokal na kampanya ay talagang nakita na nilang marami ang mga lumabas at nangampanya at bunsod na din ng maraming aktibidad na kanilang inaasahan ay minabuti na lamang nila na magkaroon ng augmentation force sa mga susunod na araw.
Ayon kay Tacderan, isa sa pinaka mabisa na paraan upang mapigilan ang anumang uri ng krimen na nangyayari sa komunidad ay ang pagsasagawa ng checkpoint kung saan nakapagsagawa sila ng 12,996 checkpoints sa buong probinsya ng Pangasinan sa pag-uumpisa ng local campaign period kung saan umabot sa 120 ang kanilang naaresto.
Pagdating naman aniya sa kanilang kampanya laban sa loose firearms kabilang na ang mga hindi nakapag renew ng kanilang mga lisensya at hindi talaga naka rehistro ay umabot sa 94 ang kanilang nakumpiska habang 296 naman ang nagpa safe keeping ng kanilang mga baril sa hanay ng mga kapulisan.
Paliwanag naman ng opisyal na sa kabila ng pagiging abala ng kanilang hanay sa pagbibigay seguridad sa mga aktibidad ng mga pulitiko, patuloy pa rin ang iba nilang police operations tulad na lamang ng pagsisilbi ng search warrant, one time big time, kampanya kotra iligal na droga, oplan bakal, buybust at oplan sita upang masiguro ang peace and order dito sa ating lalawigan. with reports from Bombo Lyme Perez