Maagang ikinasa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Pangasinan ang kanilang Oplan SUMVAC o ang kanilang Oplan Summer Vacation 2019.
Ito'y dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga beach goers sa mga baybayin dito sa lalawigan lalo na't papalapit na ang summer vacation.
Ayon sa naturang tanggapan, kung dati ay regular lang ang deployment ng mga rescue team, ngayong oplan sumvac ay mas pinaigting pa nila ito.
Kasama na aniya sa kanilang paghahanda ang paglalagay ng tarpulin sa mga strategic areas kung saan mababasa ang mga emergency hotline ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno.
Hindi rin naman umano nawawala ang paalala sa publiko sa ipinapatupad na curfew hour o ang 6PM no swimming policy at ang paliligo ng lasing.
Bukod dito, paiigtingin din ang police visibility at coordinating center upang maiwasan ang insidente ng pagkalunod.
Kasabay nito, tiniyak ng PDRRMO Pangasinan na may sapat na rescue equipment ang probinsya na magagamit in time of emergency o pagresponde sakaling magkaroon ng sakuna.