DAGUPAN CITY- Mahigpit na tinututukan ngayon ng PNP Pangasinan ang isang pinaniniwalaang organized group ng mga holdaper kasunod ng pagholdap sa isang ahente ng isang korporasyon sa bayan ng Sison, Pangasinan.

Napag-alaman na katatapos lang nangolekta ng bayad ang tumanggi nang pangalanang biktima nang siya ay lapitan at holdapin ng dalawang hindi nakikilalang lalaki na nakasakay ng motorsiklo sa kahabaan ng national highway sa barangay Asan Sur sa bayan ng Sison.

Tinutukan daw siya ng baril at tinangay ang kanyang bag na naglalaman ng umaaabot sa P100,000 at isang cellphone.

--Ads--

Hindi umano nakilala ang mga suspek dahil mabilis ang pangyayari. Kaagad umanong tumakbo ang mga suspek sakay ang isang getaway vehicle.

Sinundan sila ng biktima at nakita silang pumasok sa Tarlac Pangasinan La Union Express Way o TPLEX sa bahagi ng bayan ng Binalonan at nag exit sa Anao, Tarlac.

Sa follow up operation ng mga kapulisan ay natagpuan ang ginamit nilang getaway vehicle sa isang sakahan sa Moncada, Tarlac.

Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis sa mga suspek na isa sa kanila ay nakunan ng CCTV sa TPLEX.