DAGUPAN CITY- Maayos at tahimik ang sitwasyon sa bayan ng Mangatarem, Pangasinan habang papalapit ang araw ng halalan.
Ayon kay Rowena De Leon, Election Officer ng Mangatarem, nagpapatuloy ang kanilang paghahanda para sa darating na botohan at tinitiyak nilang magiging maayos ang lahat ng proseso.
Kasama sa mga hakbang na ito ang final briefing ng mga electoral boards at ang huling testing at sealing ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin sa halalan.
Inaasahan din na darating bago mag-Mayo 5 ang 93 Automated Counting Machines (ACMs) na ipapamahagi sa mga voting centers sa 82 barangay ng Mangatarem.
Dumating na rin sa bayan ang mga ballot boxes, kung saan ilalagay ang mga balota pagkatapos ng pagboto ng mga residente.
Sa ngayon, ang Comelec Mangatarem ay patuloy na nagmomonitor ng mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang isang maayos at mabilis na botohan.
Lubos ang pasasalamat ng Comelec Mangatarem sa mga kandidato sa kanilang pagsunod sa mga alituntunin at hindi paglabag sa mga patakaran ng komisyon.
Sa kabila ng mga paghahanda, nananatili ang katahimikan at kaayusan sa buong bayan.
Sa ngayon, tiwala ang Comelec na magiging maayos at ligtas ang halalan sa Mangatarem, at patuloy nilang pinapalakas ang mga hakbang upang mapabilis ang proseso ng botohan para sa mga residente.