Umabot sa 92 tablets ang naiulat na nawawala sa isang paaralan sa Dagupan City, na sinasabing nagsimula noong panahon ng pandemya nang ipinatupad ang distance o online learning para sa mga estudyante.

Ayon kay Renato Santillan, Principal IV ng West Central Elementary School, una nang lumabas sa mga isinagawang imbentaryo na lima lamang ang nawawalang tablets.

Gayunman, sa isinagawang physical inventory ng General Services Office o GSO sa mga school properties, nadiskubreng umabot sa 92 ang nawawalang gadgets.

--Ads--

Sinabi ni Santillan na naipablotter na sa pulisya ang pagkawala ng 92 tablets, na kabilang sa mga kagamitang ipinamahagi para magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral noong panahon ng pandemya.

Sa isinagawang Local School Board meeting, hinarap ni Santillan ang mga tanong ni City Legal Officer Atty. Aurora Valle hinggil sa pagkawala ng mga tablets at sa mga hakbang na isinagawa ng paaralan matapos matuklasan ang pagkawala ng maraming bilang ng mga kagamitan na dapat ay nasa kanilang kustodiya.