DAGUPAN CITY- Pinabilis ng San Carlos City Police ang kanilang response time, tumutugon ngayon sa mga tawag sa 911 o sa istasyon sa loob lamang ng limang minuto.
Ayon kay Police Major Ramsey Ganaban, Deputy Chief of Police, natutugunan ng kanilang hanay ang mga tawag sa emergency hotline sa mabilis at episyenteng paraan.
Dagdag ni PMaj. Ganaban, bagama’t noong una ay hindi pa lubos na alam ng publiko ang paggamit ng 911, ngayon ay unti-unti na itong nagiging pangunahing paraan ng paghingi ng tulong.
Patuloy ring pinalalakas ang presensya ng kapulisan sa buong lungsod.
May 24 hours deployment at duty scheme ang mga pulis, kaya’t may mga nakatalagang tauhan anumang oras ng araw.
Bahagi ng kanilang operasyon ang regular na pagpapatrolya, checkpoints, at visibility patrols upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Nagpaalala rin ang San Carlos City PNP sa mga motorista, lalo na sa panahon ng holiday season, na maging maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang aksidente at abala sa kalsada.
Sa patuloy na pagtaas ng police visibility at mabilisang responde, layunin ng San Carlos City PNP na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod, lalo na sa panahon ng mas mataas na aktibidad ngayong papalapit na ang holiday season.