“Terrorism is real”.
Yan ang pagbabahagi ni Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos hinggil sa pag-alala ng 911 terrorist attack sa Amerika dalawampu’t apat na taon na ang nakalilipas.
Ayon sa kanya, ang Setyembre 11 ay isang karaniwang umaga kung saan naka-on ang kaniyang telebisyon, ngunit hindi niya agad naintindihan ang nangyayari nang mapanood ang insidente.
Hanggang sa unti-unting lumitaw ang buong larawan ng trahedya, ang sunud-sunod na pag-atake sa World Trade Center sa New York at iba pang bahagi ng bansa.
Sa pagsasariwa niya ng pangyayari aniya noong panahong iyon ang lahat ay nakatulala, walang makapagsalita at wala ding nakapagtrabaho ng ilang araw.
Dagdag pa niya, halatang planado ang buong pag-atake kung saan isa itong “big blow” sa seguridad ng Amerika na nagpabago sa takbo ng araw-araw na pamumuhay ng mga tao.
Ayon kay Pascual, ang mga Amerikano ay naging mas makabayan pagkatapos ng insidente.
Kung saan halos lahat ng sasakyan may US flag at may mga bubong pa na pininturahan ng American flag.
Bukod dito naging mahigpit rin ang pagbabagong ipinataw sa seguridad at immigration policies matapos ang insidente.
Hanggang ngayon aniya ay mararamdaman pa rin ang epekto nito sa mga paliparan, lalo na sa mas mahigpit na security screenings.
Dahil dito tuwing Setyembre 11, isang taunang seremonya ang isinasagawa sa New York para gunitain ang mga biktima.
Bahagi ng programa ang pagbasa ng pangalan ng mga nasawi, na sinasamahan ng anim na segundong katahimikan bilang pag-alala.
Sa kabila ng sakit at takot na iniwan ng insidente, naniniwala si Pascual na ang espiritu ng pagkakaisa at pagmamahal sa bayan ang tunay na namayani sa puso ng mga Amerikano.