Labis ang paghihinagpis ng pamilya ng (9) siyam na taong gulang na batang lalaking nasawi matapos tamaan ng kidlat habang naliligo sa ulan sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa ina ng biktima na si Jealyn Torres, bago ang insidente ay inaya ang kaniyang anak na maligo sa ulan ng mga kalaro nito ngunit nagsabi ito na siya ay takot sa kidlat ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay hindi nila namalayan na sumunod pala ang bata sa kaniyang mga kalaro.
Wala umanong pasabi na ito ay susunod na maliligo rin sa ulan.
Habang naliligo sa ulan ang mga bata, ay dito na tinamaan ang biktima ng kidlat. Nadala pa sa ospital ang biktima subalit binawian na ng buhay.
Nabatid na dalawa silang tinamaan ng kidlat pero hindi napuruhan ang isang kalaro niya.
Samantala, ayon naman sa mga nakasama ng biktima ng mangyari ang insidente kung saan isa nga sa kanila ay tinamaan din ng kidlat ngunit maswerteng nakaligtas.
Kuwento ng bata, nagulat siya nang makita nitong nakahiga na ang biktima at umuusok ang kanyang katawan kaya dag-lian na itong humingi ng saklolo.