Napaka saklap na pangyayari kung ilarawan ng hepe ng Asingan PNP dito sa lalawigan ng Pangasinan ang isang nangyaring krimen sa kanilang lugar kung saan isang anak ang nagawang patayin ang kanyang sariling ina.

Ayon kay Police Major Leonard Zacarias, hepe ng Asingan PNP, lumabas na November 6 pa nangyari ang insidente, kung saan nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktimang si Francisca Marquez, walumpu’t siyam na taong gulang, residente ng Barangay Bantog sa nabanggit na bayan, at anak nitong si Bernardino Marquez alyas Pandot.

Sa gitna ng pagtatalo ng dalawa, kinaladkad umano ni Bernardino ang kanyang ina at naitulak, dahilan upang tumama ang ulo nito sa sahig.

--Ads--

Nadala pa sa ospital ang biktima ngunit ito ay binawian din ng buhay.

Bagamat November 6 pa nangyari ang insidente, November 15 lang ito naireport sa Asingan PNP ayon kay Zacarias, dahil ang akala ng mga kaanak ng biktima ay simpleng galos lang ang kanyang natamo at hindi nila inakalang ito ay babawian ng buhay.

Dahil din dito, at-large parin o hindi pa nahuhuli ang suspek, bagamat nasampahan na ito ng kasong Parricide sa Provincial Prosecutors Office sa siyudad ng Urdaneta.

Lumitaw naman sa pag-iimbestiga ng mga pulis na ang naging ugat ng pagtatalo ng mag-ina ay ang pagnanais ng suspek na sakahin na ang lupang sinasaka ng kanyang mga magulang.

Police Major Leonard Zacarias, COP-Asingan

Sa background check naman ng PNP sa suspek, wala pa naman itong kinasangkutang ibang mga kaso, bagamat napag-alaman nilang may ugali itong nagwawala kapag nakainom at sa katunayan ay ilang beses na ring narespondehan ng mga pulis.