Dagupan City – Ipinagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang ika-81 anibersaryo ng Lingayen Gulf Landings at ika-19 na selebrasyon ng Pangasinan Veterans Day bilang pagpupugay sa kabayanihan, sakripisyo, at pagmamahal sa bayan ng mga beterano na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa.

Layunin ng taunang paggunita na kilalanin at parangalan ang mahahalagang ambag ng mga beterano, partikular noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na naging susi sa paglaya ng Luzon at ng buong Pilipinas.

Ipinahayag sa programa ang pinakamalalim na paggalang at pasasalamat sa mga beterano na nagsilbing huwaran ng makabuluhang pagkilos para sa bayan at bansa.

--Ads--

Pinangunahan ang seremonya ni Gobernador Ramon V. Guico III, kasama si Vice Governor Mark Ronald DG. Lambino, mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at si Department of National Defense Undersecretary for Civilian and Reserve Affairs MGEN Pablo M. Lorenzo.

Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa Philippine Veterans Bank at Philippine Veterans Affairs Office bilang suporta sa mga beterano at kanilang pamilya.

Ayon kay Sheryl D. Simeon, Senior Veteran Assistance Officer ng FSO Pangasinan, tinatayang sampu na lamang ang mga buhay na beteranong Pilipino mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan dalawa ang naninirahan sa ibang bansa at walo ang nasa Pilipinas.

Sa naturang pagdiriwang, lima sa mga beteranong ito ang personal na dumalo, kabilang ang 109 taong gulang na si Valentin Ontalan mula sa Calasiao, na naging sentro ng pagbibigay-pugay ng lalawigan.

Samantala, ipinaliwanag ni Maria Luisa Amor-Elduayan, Department Head ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, na mahalaga ang taunang paggunita sa Lingayen Gulf Landings upang patuloy na maalaala ng mga Pangasinense ang makasaysayang papel ng lalawigan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang maipamana sa nakababatang henerasyon ang diwa ng pagkamakabayan at ang pangako ng mga beterano sa kalayaang tinatamasa ng kasalukuyang henerasyon.

Sa pagtatapos ng programa, muling pinagtibay ng pamahalaang panlalawigan ang paninindigan nitong patuloy na igalang at kilalanin ang mga beterano bilang mga tunay na bayani ng bansa.

Isa naman sa nabigyang diin na mensahe ay ang pagkakaisa at pasasalamat sa panawagang ‘Mabuhay ang mga Beterano, Mabuhay ang Pangasinan.’