BOMBO DAGUPAN – Ang edukasyon ay bagay na napakahalaga dahil habang nabubuhay ay natututo.
Ito ang mensaheng ipinaabot ni Benjamin S. Naoe, 81 anyos, tubong San Jacinto Pangasinan na kasama sa Batch 2024 Graduate ng AB Political Science.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Ginoong Naoe na kaya kursong political science ang kinuha dahil napapanahon at pawang pulitika ang napag uusapan ngayon.
Ayon sa nakakaantig niyang kuwento, anak siya ng magsasaka sa bayan ng San Jacinto at at sa hirap ng buhay ay pinag aral siya ng mekaniko.
Ang pagiging mahinahon at mapagkumbaba umano ang kanyang susi sa tagumpay.
Naranasan siyang nagtrabaho sa Manila hanggang sa umalis siya at lumipat ng trabaho dito sa lalawigan ng Pangasinan at nakapasok sa isang kompanya sa bayan ng Sison, hanggang sa mapromote pero makaraan ang 2 taon ay naisipan na mag abroad sa Jeddah, Saudi Arabia kung saan namalagi siya mula 1979 hanggang 1999.
Nabyuda naman siya noong 1985 .
Napilitan siyang nagresign at umuwi sa bansa dahil kinailangan na maoperahan ang anak.
Habang nasa bansa ay naisip na walang hanap buhay at ang ipon ay mauubos kung walang income kaya siya bumili ng jeep at pumasada.
Noong 2000 ay muli raw siyang tinawagan ng kompanya sa Saudi at pinabalik, pero 2017 ay tuluyan na siyang nagretiro matapos iutos doon ng kanilang hari na kailangan ng magretiro ang mga edad mahigit 70.
Noong mga panahon na iyon ay 73 anyos na siya hanggang napagdisisyunan na pumasok sa alternative learning school sa Mangaldan National Highschool.
Makaraang makuha ang highschool diploma ay nag disisyon na mag enroll sa kolehiyo at binigyan naman siya ng scholarship na 50 percent discount.
Dagdag pa niya na noong una ay may mga tutol sa pag aaral nito at tinanong pa siya bakit kailangan pang mag aral pero hindi nagpatinag basta ang katuwiran ay hindi siya namemerwisyo at pursigido talagang mag aral.
Napagtapos din niya sa pag aaral ang anim na mga anak na ngayon ay mayroon na ring kanya kanyang pamilya.