SAN FERNANDO, La Union — Ibinahagi ng Department of Health Region 1 sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng La Union ang kanilang 8 Point Action Agenda ngayong taon sa isinagawang Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Philippine Information Agency Region 1 kahapon.
Binigyang-diin ni Dr. Paula Paz Sydiongco, Regional Director ng Department of Health Region 1, na ginagawa nila ito para maipahatid sa buong komunidad ng rehiyon ang kanilang mga accomplishment at future plans ngayong taon.
Aniya na ang una ay “Bawat Pilipino Ramdam ang Kalusugan Agenda” kung saan binigyang diin dito ang mga porsyento ng populasyon sa Rehiyon Uno na nakaka-access sa mga Barangay Health Centers, Rural/City Health Units, Super Health Centers at ilan pang imprastraktura na kanilang maipapatayo.
Pangalawa ay ang “Ligtas, Dekalidad at Mapagkalingang Serbisyo” na nagpapakita ng ilang datos sa bawat ospital na sineserbisyuhan ang ilang sakit at mga outcome indicators dito gaya sa Tubercolosis, AIDS and HIV, Cancer, lifestyle related disease, Water Sanitition and Hygiene, immunization, nutrition and Oral health, at Maternal and Child Health.
Pangatlo dito ay ang “Teknolohiya para sa Mabilis na Serbisyong Pangkalusugan Agenda” na nagpapakita ng lagay ng Interoperable Electronic Medical Records ng 4 na lalawigan sa bawat Primary Care Facilities hanggang sa Hospitals and Medical Centers.
Pang-apat ay “Handa sa Krisis Agenda” na nagpakita ng datos na noong 2023 ay may 12 mula sa 36 na LGU Hospital sa Rehiyon ang narecognize bilang Safe, Green and Climate Change Resilient na kinabibilangan ng 3 Private Hospitals gaya ng The Black Nazarene Hospital Inc., Metro Vigan Hospital, at Candon City General Hospital , 1 Treatment and Rehabilitation Center sa Dagupan City at 8 iba pang LGU Hospitals.
Panglima ay ang “Pag-iwas sa Sakit Agenda” na nagpapakita ng porsyento sa mga lugar na nagbibigay ng maayos na kalusugan gaya ng Komunidad na kinabibilangan, Trabaho at Paaralan.
Pang-anim ay ang “Ginhawa ng Isip at Damdamin Agenda” na nagpapakita naman sa datos ng 4 na lalawigan na may Mental Health Facility na maaring makapagbigay ng serbisyong medical patungkol sa problema sa isip kung saan ang Pangasinan ay may 80, Ilocos Sur ay may 36, Ilocos Norte 26 habang ang La Union ay 20.
Pang-pito ay ang “Kapakanan at Karapatan ng mga Health Workers Agenda” kung saan sinasabi dito ang kabuuang dami ng mga nagtatrabaho sa larangan ng kalusugan sa Rehiyon 1 na nagpapakita ng kakulangan nito na kailangan nilang matugunan.
Habang ang pangwalo ay ang “Protekyon sa Anumang Pandemya Agenda” na nagpapakita naman ng porsyento ng mga pampublikong Health Laboratories na maaring magserbisyo banta ng pandemya.
Samantala sa ilalim ng unang agenda ay nabibilang ang pagbubukas ng Bagong Urgent Care Ambulary Service na may 2 pasilidad na functional gaya sa Banna Ilocos Norte at Tubao La Union habang nasa 13 naman ang kanilang proposal ngayon na balak maisakatuparan para sa mga nangangailangan.
Layunin nito na makapagbigy serbisyo sa mga kababayang nangangailangan ng tulong medical sa mga alanganing oras na kung saan ito ay bukas mula alas-7 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi kahit weekend.
Inaasahang din umano na magkakaroon pa silang programa na tatawaging Purok Kalusugan na naglalayong bawat purok ay maabutan ng nararapat na serbisyong medical sa tulong ng kanilang lokal na pamahalaan.