Dagupan City – Walang naging aberya o problemang naranasan bagkus ay naging maayos at matiwasay ang pagbubukas ng klase sa walong pampublikong paaralan ng Senior High School sa lungsod ng Dagupan sa pagsisimula ng School Year 2026–2027.
Ayon kay Dr. Edwin Ferrer, Public Schools District Supervisor para sa Senior High School ng Schools Division Office (SDO) Dagupan City, personal niyang nilibot ang mga nasabing paaralan kasama ang mga opisyal ng dibisyon sa pamumuno ni OIC Schools Division Superintendent Dr. Marciano Soriano Jr.
Kabilang sa mga paaralang kanilang binisita ay ang Dagupan City National High School, Judge Jose De Venecia Sr. Technical-Vocational Secondary School, Bonuan Buquig National High School, Pugaro Integrated School, Federico N. Ceralde Integrated School,Carael National High School, Calmay National High School at Salapingao National High School.
Ipinaliwanag din niya nasa tinatawag na opening block pa lamang ang mga mag-aaral ngayong linggo kung saan isinasagawa pa ang mga kumustahan, oryentasyon, at paunang assessment dahil ang buong talakayan sa mga aralin ay magsisimula pa lamang sa Hunyo 15.
Nagbigay din siya ng katiyakan na handa ang dibisyon sakaling magkaroon ng kalamidad.
Sa ngayon ay hindi pa maibibigay ang tiyak na bilang ng mga nagpatala o nagenroll sa lahat ng Senior High School sa lungsod dahil patuloy pa rin ang pagtanggap sa mga mag-aaral.
Ayon kay Ferrer, ilalabas pa lamang ang paunang talaan ng enrollment sa darating na Biyernes.
Hinikayat naman niya ang mga mag-aaral na seryosohin na ang pag-aaral dahil tapos ang bakasyon.










