Isang malagim na aksidente sa kalsada ang naganap sa bayan ng Aurora, Isabela kung saan sangkot ang isang elf truck at dalawang van na biyaheng Tabuk City, Kalinga mula Baguio City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCapt. Terrence Tomas, Spokesperson ng Isabela Police Provincial Office, patungong Santiago City sana ang elf truck habang kasalubong nito ang dalawang van na magkasunod na bumabagtas ng highway.

Bigla umanong lumipat ng linya ang truck dahilan upang mabangga nito ang nauunang van na may sakay na 16 katao at sunod na bumundol pa sa ikalawang van na may 9 na pasahero.

--Ads--

Kinumpirma naman ni PCapt. Tomas na walo ang nasawi sa insidente—lahat ay sakay ng pangalawang van kabilang na ang tsuper nito. Isa pang pasahero ang kasalukuyang walang malay at patuloy na inoobserbahan sa ospital.

Samantala, dalawang pasahero mula sa unang van ang nagtamo ng sugat habang isa pa ang nasa kritikal na kalagayan.

Sa mga nasawi, apat lamang ang positibong nakilala habang patuloy ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng iba pang biktima.

Dagdag pa ni Tomas na isa sa mga posibleng sanhi ng insidente ay “human error,” habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nasa kustodiya na ng Aurora Police Station ang elf truck para sa masusing pagsusuri at posibleng pagsasampa ng kaso.