DAGUPAN CITY– Arestado ang walong katao matapos makumpiska sakanila ang aabot sa P70 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 10 kilo sa isinagawang anti-drug operation sa Meycauayan Bulacan.

Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Sandy Domingo, Christian Villaflores, Nida Barrientos, Rhodora Jose, Milky Joy Principe, Kevin Limbo, Bernard Flores, at Clifford Bello.

Naaresto ang mga suspek sa pinagsanib pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Meycauayan City Police .

--Ads--

Unang isinailalim sa surveillance ang mga sus­pek hanggang sa ma­kakuha ng tip ang mga awtoridad na magbabagsak ng droga sa nasabing lugar.

Ang mga ilegal na droga ay nagmula sa Mainland China at kabilang sa distribution ng droga ang Central Luzon, Metro Manila at ilang lugar sa Southern Tagalog.

Nabatid na karamihan sa mga suspek ay kabilang sa mga high value target (HVT) ng PDEA at PNP.

Nahaharap ang mga nasakoteng suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 11, 26 ng Article ll of Republic Act 9165 (Anti-Illegal Drugs Law).