DAGUPAN CITY – Isang walong taong gulang na batang lalaki sa Thailand ang natagpuang namumuhay mag-isa kasama ang mga aso.
Hindi raw ito nakapag-attend man lang ng kindergarten at kung makipag-usap, siya ay tumatahol.
Ang bata ay nierescue ng Paveena Hongsakul ng Foundation for Children and Women matapos ireport ng isang school principal sa Lap Lae District, Uttaradit Province, ang tungkol sa nakababahalang kalagayan ng bata na kinilala sa alyas na “A.”
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasang ang bata ay naninirahan sa isang bahay na pag-aari ng kamag-anak ng kanyang 46-anyos na ina kung saan ay nakatira rin dito ang 23-anyos na kapatid na lalaki at anim na aso.
Kamakailan, binisita ni School Director Sopon Siha-ampai ang bahay matapos malaman na iniiwang mag-isa ang bata sa tuwing umaalis ang ina para mamalimos ng pera at pagkain sa templo.
Ayon sa mga kapitbahay, nadala na sila sa pagtulong sa ina ng bata dahil lulong umano ito sa droga.
Pinagbawalan din ang kanilang mga anak na magagawi sa bahay, na pinaniniwalaang drug den ng ina at kapatid ng bata.
Dahil dito, walang gustong makipaglaro sa bata at walang tao na nakakausap at tanging ang anim na aso ang kasalamuha nito sa araw-araw kaya natutunan niyang gayahin ang kilos nila, at patahol din kung makipag-usap.
Matapos mailigtas ang bata ay nasa pangangalaga na ngayon ng Uttaradit Children’s Home at ipinagkakaloob ngayon sa kanya ang tuluy-tuloy na edukasyon kung saan katuwang na magmomonitor sa progreso ng bata ang Social Development and Education ministries ng Thailand.