Dagupan City – Umabot na sa 79 ang naitalang kaso ng pagnanakaw at pagkawala ng water meter sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Dagupan ayon sa ulat ng Pamana Water Dagupan.

Sa eksklusibong panayam kay Carol Lynne C. Gadon, Division Manager ng Customer Service ng Pamana Water, ibinahagi niya na matagal na nilang binabantayan ang ganitong uri ng krimen.

Mula pa lamang noong unang lumabas ang mga ulat tungkol sa mga nawawalang metro at kaso ng pagnanakaw, agad nang nakipag-ugnayan at nagbigay ng abiso ang Pamana Water sa kapulisan ukol sa mga ganitong pangyayari para sa karagdagang aksyon at seguridad.

--Ads--

Ayon kay Gadon, kapag ninakawan ang isang residente o concessionaire, dumadalo sila sa tanggapan ng Pamana Water upang magreklamo.

Bilang bahagi ng imbestigasyon, hinihikayat din ng kumpanya ang mga biktima na magbigay ng CCTV footage kung mayroon man, upang magsilbing ebidensya o bakas sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Saad niya na sa datos na nakalap, lumalabas na ang Barangay Pantal ang may pinakamataas na bilang ng pagnanakaw na umaabot sa 16.

Sinundan naman ito ng mga barangay Tapuac at Lucao pero halos lahat ng barangay sa Dagupan City ay may naitala ring insidente ng pagnanakaw.

Bagama’t wala pang nahuhuling suspek dito sa lungsod mula sa panig ng Pamana Water ibinahagi niya na mayroon nang matagumpay na operasyon at paghuli sa ibang mga bayan gaya ng Calasiao.

Ayon sa pagsusuri ng Pamana Water, ang pangunahing motibo ng mga kriminal ay ang mga bahaging gawa sa tanso o brass na matatagpuan sa loob ng metro.

Ito ang dahilan kung bakit sinisira nila ang water meter upang alisin ang mga bahaging ito at ibenta.

Batay sa impormasyon, karaniwang dinadala at ibinebenta ang mga bahaging ito sa mga junk shop, bagaman hindi naman ito gaanong malaki ang halaga kapag ibinenta ay marami paring kaso.

Sa kabila nito, ang kapalit ng nasirang o ninakaw na metro ay pasan ng may-ari dahil ang halaga ng bawat water meter ay tinatayang nasa ₱2,000.

Kapag ninakaw ito, awtomatikong nawawalan ng tubig ang bahay kaya’t kailangan agad itong palitan at bayaran ng concessionaire.

Tiniyak ni Gadon na bukas ang tanggapan ng Pamana Water araw-araw, kabilang ang Sabado at Linggo, at may mga naka-duty na tauhan upang asikasuhin ang mga ganitong emergency.

May nakahandang team na agad magpapalit ng metro upang hindi matagal ang pagkawala ng tubig sa mga apektadong tahanan.

Naglabas na rin sila ng mga paalala sa kanilang social media account upang maging alerto ang publiko.

Ayon sa pamunuan, napakahalagang pangalagaan at bantayan ng mga concessionaire ang kanilang mga metro.

Kung maaari, mainam na maglagay ng mga harang o rehas upang masiguro na protektado ang metro at hindi madaling mabiktima ng pagnanakaw.

Bilang huling paalala, nanawagan si Gadon sa publiko na agad iulat sa tanggapan ang anumang insidente ng pagnanakaw.

Tinitiyak ng Pamana Water na gagawa agad ng hakbang upang hindi maantala ang suplay at muling magkaroon agad ng tubig ang mga apektadong residente.