DAGUPAN CITY- Isang 71 taong gulang na lalaki ang natagpuang wala ng buhay sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Nilombot, Sta. Barbara, Pangasinan.

Ayon kay PltCol Michael Datuin, Officer in charge ng Sta. Barbara PS, isang kamag-anak ng biktima ang nagpasya siyang puntahan matapos mapansing hindi ito lumalabas ng bahay sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.

Pagdating sa lugar, tumambad sa kanya ang bangkay ng matanda na naaagnas na.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na may dati nang karamdaman ang biktima, partikular ang altapresyon.

Ayon sa mga kaanak, hindi ito regular na umiinom ng kanyang gamot bagay na posibleng nagpalala ng kanyang kalagayan at nagdulot ng kanyang pagkakasawi.

Sa isinagawang inspeksyon ng Rural Health Office, walang natukoy na indikasyon ng foul play sa katawan ng biktima.

--Ads--

Inilipat na ang kanyang labi sa isang lokal na punerarya para sa kaukulang proseso.

Nagpaalala naman ang mga otoridad sa publiko na maging mas mapagmatyag sa kalagayan ng mga nakatatanda, lalo na yaong may iniindang karamdaman.