DAGUPAN CITY- Umaasa ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na hindi lamang tumatakbo kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang itinuturong ‘big fish’ ng Ombudsman.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymon De Vera Palatino, Bagong Alyansang Makabayan, hindi sapat na si Co lamang ang hinahabol dahil imposibleng mag-isa lamang itong kumilos sa Flood Scam.
Aniya, sa nakaraang buwan ay naging mabagal at ‘selective’ ang paghahabol sa mga sangkot sa maanumalyang flood control projects.
Kaya dapat tignan at iberipika din ang mga akusasyon ni Co na di umano’y kick back na umabot hanggang sa Palasyo.
Interesado rin ang grupo na malaman ang ginagawang ‘build-up case’ laban sa mga itinuturong sangkot, lalo na si dating House Speaker Martin Romualdez.
Hinahamon naman niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na rebyuhin nito ang kanilang mandato at buksan sa publiko ang imbestigasyon nito sa pamamagitan ng livestreaming.
Ito ay upang mabigyan linaw sa publiko na hindi pinoprotektahan ng pangulo ang sarili nito hinggil sa flood scam ngayong itinuturo na rin siya na sangkot sa katiwalian.
Samantala, naniniwala si Palatino na nagkakaroon na ng bunga ang pagprotesta ng mga tao dahil nakikita na rin ang mga ginagawang aksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyan halaga naman niya ang pagprotesta ng taumbayan upang maitulak ang pangulo sa kamakailang mga hakbang, tulad ng paghuli sa mga sangkot ng kurapsyon at pagmamadali sa Anti-Political Dynasty Bill at tatlo pang mahahalagang panukala.
Aniya, ang pagtulak nito ay realisasyon na maibigay ang tunay na pagbabago sa demokrasya ng bansa.










