Dagupan City – Umabot sa mahigit 70 kaso ng jellyfish sting ang naitala sa dalawang sikat na beach sa lalawigan na pinupuntahan ng mga beachgoers tuwing kasagsagan ng tag-init at noong nakalipas na Semana Santa.

Naitala noong Sabado sa bayan ng San Fabian ang 15 kaso ng pangangati mula sa dikya sa mga naliligo sa dagat, ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Fabian.

Ang lahat ng nasabing biktima ay agad na binigyan ng paunang lunas sa lugar, kaya naman mabilis na bumuti ang kanilang kalagayan.

--Ads--

Sa kabilang banda, umabot naman sa halos 60 ang naitalang kaso sa Tondaligan Beach noong Easter Sunday.

Dahil dito, pansamantalang sinuspende ng pamunuan ng beach ang paglangoy sa dagat ng mga bisita para hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga biktima.

Sa bilang na ito, limang indibidwal ang kinailangang dalhin sa ospital para sa karagdagang paggamot.

Dahil sa sunod-sunod na insidente, nagbigay ng babala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga taong nais mamasyal sa mga dalampasigan ng lalawigan kaugnay ng posibleng pagdami ng dikya o jellyfish sa ilang parte ng dagat.

Ayon sa ahensya, ang pagdikit ng galamay ng jellyfish ay maaaring magdulot ng matinding hapdi, pantal, at iritasyon sa balat.

Pinayuhan ang publiko na iwasang hawakan o lapitan ang mga dikya kahit pa tila patay na o napadpad na sa pampang.

Hinihikayat din ang mga turista at residente na maging mapagmatyag sa kanilang paligid habang nasa dalampasigan at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang insidente kaugnay ng pangangati mula sa jellyfish sting.