DAGUPAN CITY- Nasagip ang buhay ng isang 36-anyos na lalaki at anim na bata mula sa muntikang pagkalunod kaninang umaga dahil sa mabilisang responde ng mga lifeguard ng Tondaligan Beach katuwang ang ilang awtoridad.
Ayon kay Ella Oribello, Team Leader ng Lifeguard sa Tondaligan Beach, naganap ang insidente bandang 8:30 ng umaga sa bahagi ng dagat malapit sa likuran ng BJMP sa Barangay Bonuan Gueset.
Aniya na nalaman nila na may ganung sitwasyon nang may nagpuntang nagjojogging na indibidwal sa isa sa kanyang kasamahan na nakabantay sa Tondaligan Beach na parang may posible umanong nalulunod sa nasabing parte kaya agad nila itong pinuntahan.
Kinilala ang biktima na isang 36-anyos na tatay na bisita mula sa Manila, kasama ang kanyang anim na anak at pamangkin.
Sila umano ay nahulog sa rip current o sabang, at nakainom ng tubig dagat kaya agad silang isinugod sa pagamutan.
Malaki aniya ang naitulong ng mga criminology OJT mula sa BJMP na agad dinala ang tatay at mga bata sa ospital para sa agarang medikal na atensyon.
Sa kasalukuyan, ligtas na ang kalagayan ng mga biktima, at nagpahayag ng pasasalamat ang tatay sa mga lifeguard sa kanilang mabilis na pagresponde.
Kaugnay nito, nagpaalala si Oribello sa publiko na iwasan ang paglangoy kapag busog o nakainom ng alak at mahigpit ding ipinagbabawal ang paglangoy sa mga “no swimming area” para sa kaligtasan ng lahat.
Samantala, ito ang kauna-unahang kaso ng near-drowning na naitala sa Tondaligan Beach, at umaasa ang mga awtoridad na hindi na ito mauulit.










