BOMBO DAGUPAN – Wala nang buhay nang makita sa loob ng kanyang bahay ang isang 69 anyos na byudang babae sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Villacorta, Mabini, Pangasinan.

Ayon kay Pcapt. Bonald Paragas, Chief of Police sa nasabing bayan, kinilala ang biktima na si Estrilla Barracas, 69 taong gulang, biyuda, at residente ng parehong lugar .

Sa imbestigasyon, napag-alaman na bago madiskubre ang insidente, dumalaw ang kapatid ng biktima na kinilalang si Bobby Barril Barracas, 56 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng parehong barangay.

--Ads--

Natagpuan niya ang walang buhay na katawan ng kanyang kapatid na nakasandal sa isang monoblock table sa loob ng bahay.

Sa pakikipanayam naman sa kapitbahay ng biktima na si Jocelyn Barracas Andaya, isiniwalat niyang noong 10:00 ng umaga noong Setyembre 5, 2024, ay dumalaw ang biktima sa kanyang bahay upang humingi ng tulong para sa kanyang cellphone.

Napansin niya na mahina ang biktima at nahihirapan sa paghinga.
Sinabi rin niya na may iniindang karamdaman ang biktima, partikular na sakit sa puso at hika, na kinumpirma rin ng kanyang pamilya.

Dinala ang biktima sa Dasol Community Hospital, Dasol, Pangasinan, ngunit idineklarang Dead On Arrival (DOA) ng doktor na tumingin.

Naniniwala ang mga imbestigador na natural ang naging dahilan ng pagkamatay ng biktima, lalo na’t may iniindang sakit at matanda na ito. Gayunpaman, isinagawa pa rin ang autopsy sa bangkay.