Dagupan City – Aabot sa 689 na kuwalipikadong pamilya sa bayan ng San Nicolas ang masayang tumanggap ng tig-₱2,000 na pinansyal na tulong mula sa Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transportation (UPLIFT) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang naturang pamamahagi ay ang unang bahagi ng tulong na naglalayong maibsan ang pang-araw-araw na gastusin ng mga pamilyang nangangailangan ngunit hindi nakakasama sa ibang pambansang ayuda tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.

Isinagawa nang mano-mano ang unang payout para sa maayos naberipikasyon.

--Ads--

Gayunpaman, inanunsyo ng ahensya na ang mga susunod na buwanang ayuda ay direktang ipapadala na sa mga rehistradong e-wallet o bank account ng bawat benepisyaryo upang mas maging mabilis at ligtas ang transaksyon.

Nakatakdang magpatuloy ang probisyon ng tulong na ito hanggang Disyembre 2026.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas at ng DSWD, mas napapadali ang pag-abot ng mga programang pampamahalaan na nagsisilbing direktang sandalan ng mga mamamayan sa oras ng kagipitan.