BOMBO DAGUPAN – Tinatayang nasa 300,000 mga manggagawa sa bansa ang posibleng mawalan ng trababo o hanapbuhay dahil sa talamak na bentahan sa online ng mga sub-standard at pekeng produkto na karamihan ay galing China.
Ito ang ibinabala ni House Deputy Majority leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo makaraang dumulog sa kanya ang nasa 15 mga negosyante na karamihan ay manufacturer at nagbebenta ng mga appliance.
Ayon sa mga negosyante maaari silang malugi at mapilitang magsara dahil sa epekto sa kanila ng talamak na bentahan online ng mga sub-standard at pekeng produkto sa mas murang halaga dahil hindi dumadaan sa regulasyon ng pamahalaan.
Nais ni Tulfo na maimbestigahan ng Kamara ang “unfair online sales practices” ng mga offshore appliances na karamihan ay galing sa China na maluwag na nakapapasok sa ating bansa.