BOMBO DAGUPAN – Tutol ang Magsasaka Partylist sa inisyu na Administrative Order No. 20 ni Pangulong Ferdinand Bong Bong Marcos Jr. dahil mas babagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil hindi gobyerno ang mag aangkat ng mga produkto.
Ayon kay Argel Joseph Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, sa panayam sa kanya ng bombo radyo Dagupan, hindi siya naniniwala na bababa ang presyo ng mga bilihin sa ganitong pamamaraan.
Pumapayag siya sa nasabing pamamaraan kung ang aangkatin ay mga agricultural products na hindi pino produce sa ating bansa.
Giit niya na sa panahong ito ay dapat ay pina-prioridad ang sarili nating produkto.
Hindi siya sang ayon na magparami ng imported na agricultural products sa Pilipinas.
Inihalimbawa niya ang pagpasa noon ng Rice Tarification law na kung saan ay ipinangakong bababa ang presyo ng bigas pero hindi naman nangyari bagkus bumaba ang presyo ng palay kaya luging lugi ang mga magsasaka.
Aniya, ang nakikinabang ay mga importers at walang pakinabang ang mga magsasaka at consumers. Maniniwala lamang siya kung gobyerno mismo ang nag iimport at hindi ang mga private corporation.
Paliwanag nito na kapag private corporation ay walang kontrol ang gobyerno dahil kapag nabili nila ng mas mura sa ibang bansa ay ibebenta naman ng mas mahal dito sa Pilipinas at hindi ito kontrolado ng gobyerno kung kayat tataas pa ang kita ng mga importers.