Aabot sa 68 barangay sa lalawigan ng Pangasinan ang nananatiling drug-affected, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa panayam, sinabi ni Dexter Asayco, provincial officer ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Pangasinan, na mula sa kabuuang 1,364 barangay sa apat na lungsod at 44 na bayan ng probinsya, 1,272 barangay ang dating naitalang drug-affected.
Sa bilang na ito, 94.66 porsiyento na ang idineklarang drug-cleared, habang 5.34 porsiyento o katumbas ng 68 barangay ang patuloy na mino-monitor dahil sa presensya pa rin ng mga drug personalities.
Ayon kay Asayco, kinakailangan pang magkaroon ng Balay Silangan sa mga nasabing lugar bilang bahagi ng rekisito upang tuluyang maideklarang drug-cleared ang mga ito.
Aniya, marami sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na droga ang sumailalim na sa Community-Based Rehabilitation Program, kung saan binibigyan sila ng karagdagang intervention at exposure bago isailalim sa programang Balay Silangan.
Gayunman, aminado si Asayco na nananatiling hamon ang kakulangan ng Balay Silangan sa ilang lokalidad kaya’t nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan na may ganitong pasilidad, bagama’t nahahadlangan din ito ng kakulangan sa pondo.
Samantala, sinabi rin ng PDEA na patuloy nilang napipigilan ang mga tangkang gawing transshipment point ng ilegal na droga ang Pangasinan sa pamamagitan ng magkasanib na operasyon kasama ang Philippine National Police, Philippine Maritime Police, at Philippine Coast Guard, katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, nadiskubre ang humigit-kumulang 895 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos P6.1 bilyon sa isang residential house sa Barangay Laois sa bayan ng Labrador.
Kaugnay ito ng naunang buy-bust operation sa Barangay Polong sa Bugallon kung saan naaresto ang isang Chinese national at ang kanyang Filipino driver, at nasamsam ang 125 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P850 milyon.
Sa kabuuan, umabot sa tinatayang P6.9 bilyon ang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga sa naturang dalawang araw na operasyon.










