Naninindigan ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na ipagpapatuloy parin nila ang mga protesta at panawagan sa pagsuspinde ng mga oil taxes sa kabila ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo ngayong araw.
Ayon kay George San Mateo, President Emeritus ng PISTON, bagamat nagagalak sila na magkakaroon ng bawas-presyo ngunit hindi parin umano ito sasapat dahil mas malaki parin ang itinaas sa presyo ng langis kasali na dito ang huling super bigtime oil price hike na ipinatupad noong nakaraang linggo.
Aniya, malaking rollback pa ang kailangan upang makabawi ang mga apektadong sektor lalo na at wala namang direktang pahayag mula sa pamahalaan kung magtutuloy tuloy na ang pagbaba sa presyo ng petrolyo.
Hindi sila titigil sa pangangalampag sa gobyerno at magtutuloy ang kilos protesa ng PISTON bilang pagpapakita ng hindi na talaga makayanan ng mga drayber ang matinding pagtaas sa presyo ng langis. Dagdag pa niya na kahit may rollback ay hindi naman bumababa ang presyo ng bilihin.