Mayroon nang Department Circular ang Kagawaran ng Kalusugan kaugnay ng mga dapat ipatupad na mga patakaran upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Center for Health Development Region I, sila ay sumusunod sa Department Circular 2020-0355 o ang Reiteration of the Minimum Public Standards for COVID-19 Mitigation During the Holidays.

Aniya, ang circular na ito ang siyang nagbibigay ng mga dapat gawin upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng COVID-19 ngayong panahon ng kapaskuhan.

--Ads--

Ayon kay Bobis, sa circular na ito, nakapaloob ang pitong guidelines upang maiwasan ang pagkatala ng maraming kaso ng nasabing sakit.

Kabilang na dito ang pagkakaroon ng limitasyon sa bilang ng mga taong lalahok sa social gathering na kung maaari ay mababa sa sampu, pag-iwas sa mga aktibidad na nangangailangan ng pagbiyahe dahil hindi pa pinapayagan ang non-essential travels, pagpapanatili sa habang mababa sa dalawang oras ng paggawa ng aktibidad, pagtupad sa BIDA o bawal walang mask, isanitize ang kamay, dumistansya ng isang metro at alamin ang tamang impormasyon, pag-iwas sa high contact services, paggawa ng mga aktibdad sa mga open area at pagpapalakas ng sariling pangangatawan.

Paalala ng DOH na ngayong panahon ng kapaskuhan, mataas ang panganib ng pagdami ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa posibleng mataas na transmission rate nito, lalo na kapag ang publiko ay nagsama-sama at hindi naipatupad ang mga minimum health standards.

Kaya naman aniya, kahit panahon ng pasko, dapat ay sundin parin ang mga ito upang hindi na tumaas pa ang bilang ng mga tinatamaan ng nabanggit na sakit.

Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Center for Health Development Region I