Sugatan ang isang SK Chairman at isang tindero matapos masaksak sa kalagitnaan ng pakikipaginuman sa purok Tres barangay Libertad sa bayan ng Tayug dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, kay Police Major Arnold Soriano, hepe ng Tayug PNP, nag-iinuman sa kanilang tahanan ang biktimang si Jason Galapon, 25 anyos, isang SK Chairman at si Eric marquez, 41 anyos na fish vendor nang makarinig ang mga ito ng ng pagbato sa bubong ng bahay.
Sa paglabas ng mga ito ay nakita nila ang grupo ng mga kalalakihan na binubuo ng apat na katao na sinundan na ng pagtatalo.
Sa kasagsagan ng komusyon ay bumunot ng ice pick ang suspek na kinilalang si Edward Mauro alyas Badong, 35 anyos na construction worker at sinaksak ang mga biktima.
Nagtamo ng saksak si Galapon sa kanyang upper abdomen at ang kasama naman nitong si Marquez ay nagtamo rin ng saksak sa kaliwang bahagi malapit sa kili kili.
Agad namang dinala ang mga biktima sa Eastern Pangasinan District Hospital para sa agarang medical na eksaminasyon.
Samantala, inihayag naman ni Soriano, na ang dalawa sa mga suspek na kinilala na sina alyas ‘boy’ at Lito Sebastian ay agad na nahuli habang kalaunan ang dalawa pang suspek na sina Edward Mauro at isang alyas ‘Allan’ ay sumuko sa kanilang punong barangay.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong frustrated homicide at may karagdagang pang kaso na ipapatong sa mga ito patungkol sa liquor ban dahil napatunayan na nasa impluwensiya ng alak ang mga ito ng alak.
Sa kasalukuyan ay nasa maayos na ang kondisyon ng mga biktima .
Patuloy paring inaalam ang tunay na motibo sa insidente dahil lumalabas na wala namang dating alitan ang mga biktima at suspek.