DAGUPAN CITY– Isinailalim na rin sa state of calamity ang lungsod ng Dagupan kahit wala pang naitatalang nagpositibo sa covid 19.

Ayon kay City Councilor Atty. Joey Tamayo , minabuti ng Sangguniang Panglungsod na ilagay sa state of calamity ang siyudad upang magamit ang calamity fund sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan na walang trabaho at nang makabili ng mga gamit na panprotekta laban sa sakit.

Samantala, tiniyak ni Tamayo na may sapat na pondo ang lungsod,pero ayon sa budget regulation, hindi magamit ang 5 percent na pondo ng siyudad kung walang kalamidad.

--Ads--

Samantala, nagpanukala ang mga kasapi ng Sangguniang Panglungsod ng paglalagay sa quarantine sa 31 barangay dito sa siyudad.

Ayon kay Tamayo, ito ay upang maiwasan na maglabas pasok ng mga Dagupeno sa ibang barangay.

Kahit wala pang covid positive sa lungsod at lalawigan ng Pangasinan, subalit tumataas aniya ang bilang ng person under monitoring o PUM kaya marapat na mag ingat .

Maraming umuwi galing Metro Manila at kahit walang sakit ang mga ito ay kailangan pa rin silang imonitor bilang bahagi ng safety measures.

Base umano sa general rule, bawal pumasok ang sinuman sa bawat barangay at bawal ding lumabas sa barangay.

Kung makikidaaan naman sa lungsod at hindi naman bababa ay puwede silang papasukin.

Dagupan City Councilor Atty. Joey Tamayo

Base din sa kanilang rekomendasyon, ang sinumang hindi susunod ay papauwiin sa pinanggalingan at pagmumultahin ng P500.

Puwede rin silang ikulong kung susuway sa kautusan alinsunod sa batas.