Maliban sa Seaborne patrol ay nagsasagawa na rin ng Aerial Search ang mga otoridad upang sa lalong madaling panahon ay agad na mahanap ang 7 mangingisda na mula sa bayan ng Infanta at Dasol na una nang naiulat na nawawala noon pang Enero 14.
Ayon kay Captain Lyndon Cendreda, Acting Station Commander ng Philippine Coastguard Pangasinan, na tumulong na rin sa paghahanap ang Philippine Navy at Philippine Airforce at pinagamit na ang kanilang mga eroplano.
Ayon sa opisyal, nang pumalaot sila matapos matanggap ang ulat na mayroong mga nawawalang mangingisda ay napansin nila na malalaki ang alon at masama ang lagay ng dagat na posible aniyang anging dahilan upang mawala ang mga ito.
Subalit base sakanilang koordinasyon sa nagmamay-ari ng bangka ay wala namang sinabing problema ang mga mangingisda bago mawalan ng kontak sa mga ito.
Katuwang ng Philippine Coastguard sa kanilang nagpapatuloy na search and rescue operation (SAR) ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Air Force (PAF), at Philippine Navy (PN).
Nabatid na nagpalipad na rin ng eroplano ang Philippine Navy at Philippine Airforce para hanapin ang nawawalang fishing boat.
Kung matatandaan, sakay ng isang bangka ang 7 mangingisda na huling naitala ang lokasyon sa layong 60-90 nautical miles ng Camaso Island, Dasol, Pangasinan noong 14 Enero 2020.