Dagupan City – Umabot na sa 66 na local government units (LGUs) ang nagdeklara ng suspensyon ng klase sa parehong pampubliko at pribadong paaralan bilang pag-iingat sa posibleng epekto ng bagyo Tropical Depression Bising sa rehiyon uno.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Regional Director Laurence E. Mina ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 1, ito’y dahil sa patuloy na nararanasang mga panaka-nakang pag-ulan sa rehiyon.

Dahil dito, pinapayuhan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot upang maiwasan ang posibleng banta bunsod ng sama ng panahon.

--Ads--

Sa kasalukuyan Patuloy rin ang isinasagawa nilang monitoring sa mga pangunahing dam sa rehiyon tulad ng Ambuklao Dam sa Benguet at San Roque Dam sa Pangasinan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa lugar.

Sa ngayon, nilinaw ni Mina na pwede pa ring madaanan ang mga pangunahing kalsada at walang naiulat na pagbaha o pagguho ng lupa.

Naka-alerto rin ang mga emergency responders, at hinihikayat ang publiko na laging handa at makiisa sa mga paghahanda ng pamahalaan.

Inihanda na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga food at non-food relief items para sa agarang distribusyon kung kakailanganin.

Sa ngayon, wala pang naitatalang evacuees sa rehiyon.

Nagpaalala rin si Director Mina sa publiko na ugaliing makinig at sundin ang mga abiso ng inyong mga LGUs para sa kaligtasan.