BOMBO DAGUPAN – Bangkay na nang matagpuan ang isang lalaki sa kanyang barong-barong sa bayan ng Umingan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMAJ. Arnold Soriano, COP, Umingan PNP, nakarating ang report ng insidente sa kanilang himpilan nitong Biyernes, Hulyo 5, bandang alas 7 ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Eduardo Castro, 66 taong gulang, residente ng Brgy. Capaz sa nasabing bayan kung saan pangangalakal ang kanyang hanap buhay.

--Ads--

Kaugnay nito ay natagpuang wala nang buhay si Eduardo sa kanyang higaan sa kanyang tirahan kaya hinihinalang nangyari ang pagpaslang ng gabi o madaling araw. Nagtamo ito ng maraming hampas sa kanyang ulo, lalo na sa kanyang mukha.

Ayon naman sa mga residente na nakatira malapit sa bahay ng biktima, araw-araw siyang lumalabas upang mangalakal, ngunit kamakailan lamang ay hindi siya nakitang lumabas dahilan upang sila ay magtaka.

Sa kasalukuyan, ay iniimbestigahan at minomonitor na ang mga malalapit na CCTV sa lugar upang malaman ang mga regular na taong nagpupunta sa bahay ng biktima at para matukoy ang suspek.

Samantala hinihiling naman ni PMAJ Soriano ang kooperasyon ng mga residente ng nasabing barangay na kung sino man ang may nalalaman tungkol sa insidente ay agad itong ipagbigay alam sakanilang himpilan.