Dagupan City – Arestado ang isang 64-anyos na lolo matapos mahulihan ng humigit-kumulang 30 gramo ng hinihinalang shabu sa lungsod ng Alaminos.

Kinilala ang suspek sa alyas “Tanda,” residente ng lungsod, na pinaglilingkuran ng search warrant na ipinalabas ng Alaminos City Trial Court.

Ayon kay Police Captain Rowell C. Isit, leader ng PDEG Team 2, tinatayang nasa halagang P204,000 ang narekober na ilegal na droga mula sa suspek.

--Ads--

Ang naturang operasyon ay bunga ng matagalang monitoring, validation, at surveillance na isinagawa sa pakikipagtulungan ng ahensya at iba pang law enforcement agencies upang maisakatuparan ang imbestigasyon.

Batay sa rekord ng pulisya, dati nang naaresto si alyas Tanda noong 1996 at 2013 sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga, at nakalaya noong 2019.

Sa kabila nito, patuloy umano ang kaniyang pagsasagawa ng ilegal na aktibidad.

Lumabas sa imbestigasyon na mismong mga parokyano ang pumupunta sa kaniyang tahanan upang bumili ng ipinagbabawal na gamot.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 at Section 12 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

At nasa kustodiya na ng Alaminos City Police Station para sa kaukulang proseso ng kaniyang kaso.