Dagupan City – Arestado ang 63-anyos na magsasaka sa bayan ng San Nicolas matapos na saksakin ang kaniyang nakababatang kapatid dahil sa hinihinalang away sa lupa.
Ayon kay PCAPT. Jerwin Cabreros, Officer In Charge ng San Nicolas Police Station, kinilala ang suspek na si Rogelio Sibayan jr., at ang kapatid nitong biktima na si Bernard Sibayan, 60-anyos parehong residente ng Barangay Santa Maria West sa naturang bayan.
Lumalabas namans a kanilang isinagawang imbistigasyon na dati ng may alitan ang dalawa dahil sa away sa lupa, at nagkakaroon pa ng sagutan tuwing nagkakasalubongan sa daan.
Hanggang sa nito lamang Agosto 5, 2024 nai-report na nga sa himpilan ng pulisya ang pangyayaring pananaksak sa kaniyang kapatid.
Gumamit naman ang suspek ng panabas na may habang 75cm na napag-alamang isa rin sa kaniyang ginagamit sa kaniyang pananim.
Nagtamo ang biktima ng 2 sugat sa ulo at gasgas sa bahagi ng kaniyang siko.
Agad namang itinakbo sa pagamutan ang biktima sa bayan ng Tayug, at humaharap ngayon ang kaniyang nakatatandang kapatid sa kasong attempted homicide.
Ngunit pansamantalang nakalaya umano ito dahil nakapag-piyansa siya ng halagang P36,000.
Mensahe naman ni Cabreros, huwag ilagay ang dahas sa sariling mga kamay, dahil sa bandang huli ay pagsiishan din ito. Dagdag pa niya, ang bawa’t problema ay may solusyon, kung kaya’t piliin na maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon.