Umabot na sa 60,394 pamilya o 215,074 indibidwal sa 538 barangay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng habagat at patuloy na pag-ulan sa Region 1.
Ayon kay Freddie C. Evangelista, Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1, itinaas na sa red alert ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) simula pa kahapon ng hapon dahil sa patuloy na banta ng pagbaha at iba pang insidente dulot ng masamang panahon.
Ani Evangelista, nakararanas ngayon ng mga insidente ng pagbaha ang lahat ng apat na lalawigan sa rehiyon, partikular sa mga lugar na itinuturing na flood-prone.
Sa pinakahuling datos ng OCD Region 1, 63 insidente ng pagbaha ang naitala, kung saan 41 ang naiulat na humupa, habang mayroon pa ring mga lugar na patuloy na nakararanas ng pagbaha.
Naitala rin ang isang insidente ng falling debris at limang landslide.
Mayroon ding naitalang dalawang casualty sa rehiyon, kabilang ang isang nasugatan sa Ilocos Sur at isang nawawala. Patuloy naman ang validation sa iba pang ulat, kabilang ang insidente sa Alaminos City, Pangasinan, katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa Pangasinan, sinabi ni Evangelista na malawak ang mga lugar na nakararanas ng pagbaha dahil sa dami ng tubig na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Kabilang sa binabantayang lugar ang Sinukalan River sa Santa Barbara, na naiulat na lampas na sa critical level, at Marusay River sa Calasiao, na nasa spilling level.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog at mabababang lugar na manatiling alerto at agad na sumunod sa abiso ng kanilang mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Evangelista, aktibong nakikipag-ugnayan ang OCD sa mga local government unit (LGU) upang matiyak ang maagap na pagmomonitor sa mga lugar na nasa panganib at maisagawa ang preemptive evacuation kung kinakailangan.
Hinimok ng OCD Region 1 ang mga residenteng nasa flood-prone at iba pang high-risk areas na huwag nang hintayin pang lumala ang sitwasyon bago lumikas.
Samantala, nakahanda rin ang mga partner government agency, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), para sa pangangailangan ng mga residenteng maaaring maapektuhan ng sakuna. Nakahanda na rin ang food at non-food items para sa posibleng evacuation at relief operations.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng RDRRMC sa mga LGU upang matukoy ang kanilang mga pangangailangan at matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.
Sa huli, muling hinimok ng OCD Region 1 ang publiko, lalo na sa Pangasinan at iba pang lugar na nakararanas ng matinding pag-ulan, na manatiling alerto at regular na subaybayan ang mga opisyal na weather at disaster advisories.










