Isang hinihinalang kaso ng sakit na meningococcemia ang naitala sa bayan ng Bayambang.


Ayon sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Dagupan, agad na ipinalibing at hindi na nilamayan pa ang isang anim na taong gulang na bata na pinaniniwalaaang namatay dahil sa naturang sakit upang maiwasan ang pagkalat nito.


Sa kaso ng biktima, umabot na ang impeksyon sa utak dahilan ng pagkamatay nito. Agad namang pina-inum ng prophelaxis ang mga kaanak at iba pang nakasalamuhan ng bata.
Nilinaw naman ng Municipal Health Office ng Bayambang na isolated lamang ito at wala ng iba pang kaso na sumunod.

--Ads--


Ang meningococcemia ay isang uri ng rare bloodstream infection na dulot ng bacteriang Neisseria meningitidis o meningococcus. Ito ang parehong bacteria na nagdudulot ng sakit na meningitis.


Kahit sino ay maaring magkaroon ng sakit na meningococcemia bagamat mas madalas itong tumatama sa mga bata. Kung hindi agad maagapan ang meningococcemia ay nagdudulot ng seryosong banta sa buhay na maaring mauwi sa mga komplikasyon at pagkamatay.


Ang mga sintomas nito ay maihahalintulad sa sakit na flu o trangkaso. Ang tanging kinaibahan lang nito ay ang mga purplish rashes na idinudulot ng virus sa balat.


Ang meningococcemia ay maiiwasan at magagawa ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng proper at healthy hygiene.