DAGUPAN CITY — Kulungan ang bagsak ng 6 na katao matapos na matimbog ang mga ito sa ikinasang search warrant ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan sa lungsod ng Dagupan dakong alas-4:05 ng madaling araw ng Lunes, Disyembre 11.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mariepe de Guzman, Public Information Officer ng nasabing himpilan, sinabi nito na naabutan nila ang mga suspek sa gitna ng isang session sa loob ng isang tirahan na nagsisilbing drug den ng kinilalang maintainer na si Diane Soriano at ang asawa nito na si Alfredo Soriano.


Maliban sa mag-asawa ay naaresto rin ang apat pa nilang mga kasamahan na kinilalang sina Erikson Ragua, Ragidek Velasquez, John Lester Soriano, at Michael Santa Maria.

--Ads--


Nakuha naman nila mula sa pangangalaga ng mga suspek ang 15 heat-sealed, transparent, plastic sachet na naglalaman ng shabu at may kabuuang timbang ng 14 grams at halaga na P95,200 at ilang mga sling bag, pouch, at lapis, kung saan naman nakasilid ang iba pang mga drug paraphernalia.


Ani de Guzman, nakarating sa kanilang kaalaman ang patungkol sa naturang drug activity ng mga nasabing suspek noong Nobyembre 09 sa pamamagitan ng kanilang confidential informant. Mula nang naipahatid sa kanila ang impormasyon ay nagsagawa na sila ng surveillance sa lugar at mga sangkot na indibidwal at nang magpositibo ang report ay dito na nila ikinasa ang operasyon at naglabas ng search warrant ang kanilang mga operatiba.


Dagdag pa nito na nasa listahan ng mga drug personalities ng lalawigan ang sangkot na mag-asawa at bagamat hindi sila isa sa mga prayoridad na target ng PDEA Pangasinan ay naisama sila sa watch lists dahil bukod sa pag-maintain ng drug den ay sila rin ang tinutukoy umano na nagsu-suplay ng mga ilegal na droga sa mga karatig bayan.


Maituturing namang malalaking drug personalities ang mag-asawa sapagkat lumalabas sa mga ulat na nakakahawak ang mga ito ng daan-daang mga gramo ng ilegal na droga.


Lumalabas din naman sa kanilang imbestigasyon na ang supplier ni Diane Soriano ay nanggagaling sa Metro Manila o sa mga lugar na pinamumugaran ng mga aktibidad ng ilegal na droga at mayroon din itong mga kamag-anak sa Muntinlupa na malamang ay kontak nito kaya ito nakakapagbenta ng mga ilegal na droga dito sa lalawigan.


Kaugnay nito ay nahaharap naman ang mga suspek sa sa Sections 6 (Maintenance of a Drug Den), 7 (Employees and Visitors of a Drug Den), 11 (Possession of Dangerous Drugs), 12 (Possession of Drug Paraphernalia), 13 (Possession of Dangerous Drugs during Party and Gathering), 14 (Possession of Drug Paraphernalia during Party and Gathering), at 15 (Use of Dangerous Drugs) sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002.

TINIG NI MARIEPE DE GUZMAN, PUBLIC INFORMATION OFFICER, PDEA PANGASINAN