Dagupan City – Nasa Anim na indibidwal ang na-hire on the spot (HOTS) mula sa kabuuang 135 jobseekers na lumahok sa Special Recruitment Activity (SRA) na isinagawa ng Local Government Unit (LGU) ng Mangaldan sa Municipal Wellness Center.
Bukod sa anim na aplikanteng agad natanggap, dalawa pa ang na-tag bilang qualified, habang 127 aplikante naman ang sumailalim sa further interview at iba pang proseso ng pagsusuri para sa mga iniaalok na posisyon.
Isinagawa ang recruitment activity ng 1st Northern International Placement Inc. sa pakikipagtulungan ng Public Employment Services Office (PESO) Mangaldan, sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno.
Kabilang sa mga posisyong iniaalok sa mga aplikante ang assistant language teacher, nurse, caregiver, cook, driver, sales associate, teacher, at librarian, para sa mga oportunidad sa Japan, Qatar, Saudi Arabia, Bahrain, United States, at Cambodia.
Samantala, ang mga aplikanteng hindi pa agad natanggap ngunit nakitaan ng potensiyal at kwalipikasyon ay nakatakda pang sumailalim sa karagdagang screening at proseso bago ang pinal na hiring.
Bahagi ang SRA ng patuloy na employment assistance ng LGU Mangaldan upang mailapit sa mga residente ang mga oportunidad sa trabaho, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng PESO, patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga programang naglalayong makapagbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho at makatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga residente sa bayan.










