DAGUPAN CITY- Nalunod ang isang anim na taon gulang na bata sa bayan ng San Jacnto, Pangasinan habang nangunguha ng tulya sa ilog.
Ayon kay PMAJ Napoleon Velasco, Officer-In-Charge ng San Jacinto PNP, sa imbestigasyon ng pulisya, pasado alas-dos ng hapon nang magkayayaang pumunta ang biktima at ilang mga kasama nito sa Angalacan River na sakop ng Barangay Sto. Tomas upang manguha ng tulya.
Habang nangunguha, napunta umano ang bata sa mas malalim na bahagi ng ilog dahil sa malakas na agos ng tubig, na siyang dahilan upang anurin ito at mahiwalay sakanyang mga kasama.
Mabilis namang rumesponde ang mga awtoridad simula nang mareport iti sakanilang himpikan at nagsagawa ng search and rescue operations kasama ang MDRRMO, BFP at iba pang ahensya.
Makalipas ang mahigit dalawang oras, bandang alas-kuwatro ng hapon, natagpuan ang katawan ng bata sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad itong dinala sa pagamutan, ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang at tagapag-alaga na bantayang mabuti ang mga bata, lalo na sa mga lugar na may panganib gaya ng ilog, upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.