Nasawi ang anim na katao habang 107 naman ang nailigtas matapos tumaob ang isang pampasaherong ferry sa Java Sea sa Indonesia, ayon sa mga awtoridad.

Nawawala pa rin ang 130 katao matapos mawalan ng komunikasyon ang barkong Virgo Transport8 habang bumibiyahe sa gitna ng masamang panahon.

Mula Surabaya patungong Banjarmasin sa South Kalimantan ang ferry at huling namataan bandang alas-2 ng madaling araw noong Linggo, o alas-6 ng gabi noong Sabado sa GMT, tinatayang 150 kilometro sa timog ng Banjarmasin.

--Ads--

Ipinadala na sa lugar ang ilang barko at isang helicopter para sa search and rescue operation. Kabuuang 280 personnel ang nakikibahagi sa operasyon, habang inalerto rin ang lahat ng sasakyang-dagat na nasa bahagi ng Java Sea upang iulat ang anumang senyales ng mga pasahero.

May 213 pasahero at 30 tripulante sakay ng 119-meter o 390-foot na ferry nang ito ay tumaob.

Umalis ang barko sa Surabaya alas-10:33 ng Sabado at nakatakdang makarating sa Banjarmasin alas-2 ng hapon noong Linggo, batay sa datos mula sa dalawang maritime monitoring site. Natanggap naman ng mga awtoridad ang unang distress report bandang alas-4:10 ng madaling araw.