Taos-pusong nagpasalamat si 5th District Board Member-elect Nicholi Jan Louie Sison sa mga botanteng muling nagtiwala sa kanya sa katatapos na halalan.

Ito na ang kanyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng ika-limang distrito sa Sangguniang Panlalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya, ibinahagi ni Sison ang kanyang kagalakan sa muli niyang pagkapanalo.

--Ads--

Ayon dito na nagsimula ito sa pulitika bilang SK Chairman at SK president hanggang sa naging konsehal sa bayan ng Villasis bago maging Board Member kung saan halos nasa 22 taon na ito sa pagiginh lingkod bayan kaya masasabi nitong marami na siyang nagawa na mga programa, proyekto at adbokasiya sa kanyang nasasakupan.

Ipinagmalaki niya ang dalawang proyekto na kanyang itinuturing malaking ambag at masasabing tatak nito sa kanyang distrito gaya ng pagkakaroon ng Registry of Deeds Office sa Urdaneta City at ang karagdagang PSA Office sa Rosales.

Bukod dito, marami na rin siyang naipasang resolusyon, kabilang ang pakikipagtulungan ng LGU Alcala at Provincial Government para sa pagtatayo ng ika-15 ospital sa lalawigan at ang pagbibigay pahintulot sa Gobernador para sa kontrata sa San Miguel Corporation sa proyektong Pangasinan Link Expressway.

Saad nito na bilang siya ang Chairman ng Committee on Agriculture, plano ni Sison na palawigin pa ang mga programa para sa mga magsasaka, partikular na ang naging paglulunsad ng Corporate Farming para sa ginagamit na machinery at inputs upang makamit ang mas mababang presyo ng bigas at mga agricultural products maging ang layuning pataasin ang kita ng bawat magsasaka.

Sa kanyang pagbabalik sa pwesto nais niyang tutukan at palakasin ang sektor ng tabako sa lalawigan upang mapataas ang excise tax fund na magagamit para sa mga programa sa nasabing sektor.

Samantala, pinahayag ni Sison ang kanyang kahandaan sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ng lipunan at sa kanyang bagong makakasama sa ikalimang distrito na si Board Member-Elect Rose Apaga upang maisakatuparan ang mga magagandang plano para sa ikauunlad ng 5th District ng Pangasinan.