DAGUPAN CITY- Nasawi ang 58 anyos na pasahero ng isang tricycle sa bayan ng Villasis matapos mabangga ng isang sasakyan ang harapan ng kanilang sinasakyan.

Ayon kay PMaj. Edgar Serquiña, Chief of Police ng Villasis PNP, kinilala ang biktima na si Jelyn Lucena, isang housewife, residente ng Brgy. San Nicolas, sa nasabing bayan habang minamaneho naman ni Gary Gabitan, 49 anyos, tricycle driver, at residente ng parehong lugar. Kinilala naman ang driver ng sasakyan na si Emmaniel kingsley, 24 anyos, isang Nigerian National, estudyante, walang driver’s license, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Puelay, sa parehong bayan.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon, maggagabi kahapon nang parehong tinatahak ng dalawang sasakyan ang parehong daan sa National Highway ng Brgy. Bacag, sa naturang bayan. Nangyari ang insidente matapos mag overtake ang Nigerian National subalit bago pa ito tuluyang makapag-overtake, mayroon umanong motorsiklo na papasalubong sa kabilang linya kaya napilitang bumalik sa kanilang linya ang nasabing Nigerian National. Subalit, nabangga naman nito ang harapang bahagi ng tricycle na naging sanhi naman ito ng pagkakahulog ng tricycle sa kanal.

--Ads--

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang lulan ng tricycle. Dinala naman ang mga ito sa ospital ngunit dineklarang dead on arrival ang nasabing pasahero.