Mga kabombo! Mahilig ba kayo sa tsokolate? O kaya’y hanggang saan ang kaya mong gawin para lamang madala ang iyung paborito?
Kaya mo ba itong dalhin hanggang sa iyung huling hantungan?
Ito kasi ang hiniling ng isang lalaki sa England, paano ba naman kasi, dahil sa hilig sa tsokolate hiniling nito na bigyan siya ng kabaong na may tema ng kaniyang hilig.
Kinilala umano itong si Paul Broome, 55-anyos, isang Care Assistant para sa mga may learning disabilities, ay matagal nang nagbibiro sa kanyang pamilya at mga kaibigan na gusto niyang mailibing sa isang kabaong na hugis Snickers bar.
Pero hindi lang pala iyon simpleng hirit, dahil nakasaad ito mismo sa kanyang huling habilin! Kaya naman nang siya ay pumanaw, tiniyak ng kanyang pamilya na tutuparin ang kaniyang kahilingan.
Pinagawan nila ito ng isang espesyal na kabaong na may disenyo ng isang partially unwrapped Snickers bar, kumpleto pa sa nakasulat na “I’m nuts!” sa gilid, isang witty na pagpupugay sa kanyang pagiging palabiro at masayahin.
Pero hindi lang ang kabaong ang may kakaibang tema dahil pati mismong libing ni Broome ay hindi pangkaraniwan. Dumaan ang kanyang funeral procession sa paborito niyang café sa Bognor Regis, kung saan naghihintay ang kanyang mga kaibigan, suot ang custom tribute T-shirts.
Sa halip na malungkot na pamamaalam, sinalubong siya ng palakpakan at pagbati, bilang pagsaludo sa kanyang masayang personalidad. Bukod sa disenyo ng Snickers bar, makikita rin sa kanyang kabaong ang logo ng Crystal Palace FC, ang English Football League team na matagal niyang sinuportahan.