Dagupan City – Nahuli ng kapulisan ang isang 55-taong gulang na lalaki matapos umanong manaksak ng dalawang kainuman sa Barangay Esperanza sa bayan ng Sison.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng inuman ang suspek kasama ang mag-amang biktima, edad 65 at 33.
Sa gitna ng inuman, nagkaroon ng pagtatalo na humantong sa pananaksak gamit ang kutsilyo.
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga saksak sa katawan ang mag-ama at agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan.
Kalaunan, inilipat sila sa Region 1 Medical Center (R1MC) sa Dagupan City para sa mas masusing gamutan.
Samantala ang suspek naman ay naaresto dahil sa follow-up operation ng pulisya sa Pozorrubio Community Hospital, kung saan siya ginagamot dahil sa tinamo niyang sugat sa ulo.
Kasalukuyang nakakulong sa Sison MPS ang suspek at inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanya.
Muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na iwasan ang labis na pag-inom at panatilihin ang maayos na pakikitungo sa kapwa upang maiwasan ang karahasan.
Anumang uri ng pananakit ay may kaakibat na mabigat na pananagutan sa ilalim ng batas.










