Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ang mass oath-taking ng 5,445 education personnel sa lalawigan ng Pangasinan noong Nobyembre 9, 2026, bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at pagsusulong ng mas maayos na career advancement para sa mga guro at mental health support para sa mga mag-aaral.

Isinagawa ang seremonya sa CSI Stadia sa Dagupan City, kung saan 5,211 guro at iba pang education personnel ang nanumpa matapos ma-promote o ma-reclassify sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System. Kasabay nito, pormal ding kinilala ang 234 bagong School Counselor Associates (SCA) mula sa anim na Schools Division Offices sa Pangasinan.

Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang tugunan ang matagal nang hamon sa pag-angat ng mga guro sa kanilang propesyon, partikular ang mahabang paghihintay mula Teacher I hanggang Teacher III at mula Teacher III hanggang Master Teacher I. Kinilala rin ng Pangulo ang kakulangan ng mga school counselor sa mga paaralan sa gitna ng tumitinding pangangailangan para sa mental health support ng kabataan.

--Ads--

Ayon kay DepEd Region 1 Regional Director Estela Cariño, magsisilbing inspirasyon at pagkilala sa pagsisikap, dedikasyon at commitment ng mga guro ang naturang programa. Inaasahan din nitong mahihikayat ang iba pang education personnel na ipagpatuloy ang kanilang pag-unlad sa pamamagitan ng ECP. Binigyang-linaw din niya na ang mga gurong hindi nakadalo sa seremonya ay mayroon nang kani-kanilang appointment sa ilalim ng programa.

Isa sa mga benepisyaryo si Elino Efren ng San Miguel National High School, na na-promote mula Teacher III tungong Teacher VI. Nagsimula siya bilang substitute teacher at mayroon nang 15 taong karanasan sa pagtuturo. Huling naitalaga siya sa posisyong Teacher III noong 2018 bago makamit ang bagong ranggo ngayong 2026.

Sa ilalim ng ECP System, binibigyan ng pagkakataon ang mga guro na umangat mula Teacher I hanggang Teacher VII, Master Teacher I hanggang V, at School Principal I hanggang IV batay sa kanilang kakayahan, performance at professional standards. Hindi na kailangang maghintay ng bakanteng posisyon dahil lamang sa pagreretiro o paglipat ng ibang personnel. Maaari ring ma-promote ang mga guro kahit walang master’s degree basta’t natutugunan ang mga itinakdang kwalipikasyon.

Samantala, layunin ng paglalagay ng 234 School Counselor Associates sa Pangasinan na tugunan ang kakulangan ng mental health professionals sa mga pampublikong paaralan alinsunod sa Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Registered Guidance Counselor, tutulong ang mga ito sa learner profiling, paunang mental health assessment, referrals, career guidance at psychosocial support ng mga mag-aaral.

Bahagi rin ng mas malawak na reporma ng administrasyong Marcos sa kapakanan ng mga guro ang pagtaas ng taunang Teaching Allowance sa P10,000, pagbibigay ng P7,000 medical allowance, limang araw na paid wellness leave, pagpapatupad ng overtime at overload pay, at pagbabawas ng 57 porsiyento sa kinakailangang administrative paperwork.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, inaasahang mas mapapalakas ang propesyonal na pag-unlad at kapakanan ng mga guro, habang napapabuti rin ang suporta sa mental health at kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral.