DAGUPAN, CITY— Patay nang sumemplang mula sa biskleta at malunod sa irigasyon ang lango sa alak na 53-anyos na magsasaka sa Brgy. Oraan East, sa bayan ng Manaoag.
Ayon kay PMaj. Fernando Fernandez Jr., OIC ng Manaoag Police Station, natagpuang palutang-lutang sa irigasyon ang labi ni Ariel Tabadero, residente ng Brgy. Baguinay sa nabanggit na bayan.
Nakita na lamang din umanong nasa gilid na ng kalsada o irrigation canal ang bisikletang kaniyang gamit ilang daang metro ang layo mula sa kaniyang bangkay.
Binigyang diin naman ng kapulisan na humigit-kumulang tatlong talampakan o hanggang tuhod lamang umano ang tubig sa naturang irigasyon.
Napag-alamang nagtungo umano ang biktima sa bahay ng dati nitong kaklase sa Zone 1 Brgy. Oraan East at dakong 8:00 ng gabi nang magpasyang umuwi.
Sa mas malalim pang imbestigasyon ay nasiyasat ng pulisya na posibleng nawalan ng balanse ang biktima habang pumepedal pauwi at dito na nahulog sa irrigation canal.
Kumbinsido naman ang kaanak nito na walang bakas ng foul play sa naturang insidente kaya’y tumanggi na silang dalhin pa ito sa ospital para sa medikal na eksaminasyon.
Binigyang diin ni Fernandez na hindi rin accident prone area ang nabanggit na lugar.
Ito naman ang kauna-unahang insidente ng pagkalunod sa nasambit na munisipalidad ngayong taon.
Panawagan ng kapulisan na kung masyado ng lasing para umuwi, manatili na lamang sa lugar upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. (with reports from: Bombo Maegan Equila)