Iniulat ni Laurence Mina, Acting Regional Director ng Office of Civil Defense Region 1, na umabot na sa 5,259 pamilya o 19,263 indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon sa buong rehiyon.

Sa nasabing bilang, 257 pamilya ang kasalukuyang nasa 19 evacuation centers, habang 274 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak.

Batay sa mga ulat na natanggap ng OCD Region 1, nakapagtala ang rehiyon ng 52 insidente ng pagbaha mula noong unang araw ng masamang panahon. Gayunman, unti-unti nang humuhupa ang baha sa ilang lugar.

--Ads--

Samantala, isang drowning incident ang naitala sa Alaminos City.

Aabot naman sa 47 road sections at tatlong tulay ang naapektuhan ng masamang panahon. Sa ngayon, 27 road sections at lahat ng tatlong tulay ay passable na.

Wala ring naitalang malawakang power interruption sa Pangasinan dahil agad na naibalik ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar. Naibalik na rin ang water at communication services.

Samantala, nananatili sa normal na lebel ang tubig sa San Roque Dam at wala namang binuksang gate ng dam.

Samantala, 129 local government units o LGUs ang nagdeklara ng class suspension, habang 69 LGUs naman ang nagpatupad ng work suspension dahil sa masamang panahon.