BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang isang 51-taong gulang na lalaki matapos mabangga ng isang truck habang tumatawid sa pedestrian na naganap sa kahabaan ng Provincial road sa Brgy Perez, sa lungsod ng San Carlos.

Ayon kay PLT. MC Kinley Mendoza PIO, San Carlos City PNP na habang binabaybay ng delivery Elf Truck ang nasabing kalsada patungo sa hilaga upang maghatid ng mga cake at pagdating sa lugar ng insidente ay nag-overtake ito sa isang sasakyan sa kanyang harapan at aksidenteng nabangga ang isang lalaki na tumatawid sa kalsada mula silangan hanggang kanlurang direksyon.

Dahil dito ay nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima na agad namang isinugod sa Blessed Family General Doctors Hospital sa Brgy Ilang sa nasabing bayan. Subalit ideneklara itong dead on arrival.

--Ads--

Kinilala ang suspek na si Bryan Pantoja Nacion, 31 taong gulang, binata, truck driver at residente ng lungsod ng Tarlac samantala ang biktima naman ay kinilalang si Rafael Mendoza Padlan, 51 taong gulang, may asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Perez sa nasabing bayan.

Ani Mendoza na hindi na umabot sa kasuhan ang insidente at nagbayad na lamang ang suspek ng P200,000 sa pamilya ng biktima.

Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ng suspek ang release order nito para tuluyang makalaya.

Nagpaalala naman si Mendoza na maging alerto sa pagmamaneho lalo na kapag may dumadaan para maiwasan na mabangga at umabot sa ganitong insidente.