BOMBO DAGUPAN – Nasawi ang 51 anyos na lalaki matapos aksidenteng mabangga ang isang aso sa Brgy. Doyong sa bayan ng Calasiao.

Ayon kay Plt.Col. Ferdinand S.Lopez, Acting Chief of Police, Calasiao PNP na base sa inisyal na imbestigasyon ay binabaybay ng itim na Honda Click ang nabanggit na kalsada sa nasabing barangay patungong timog patungo sa Pangasinan Provincial Hospital para sa nakatakdang dialysis, nang aksidenteng mabangga ang isang asong gala na biglang tumawid sa kalsada na naging sanhi ng pagkahulog ng motorsiklo at ng driver sa sementadong kalsada.

Kinilala naman ang biktima na si Alfredo Bautista Sarmiento, 51 taong gulang at residente ng Brgy. San Miguel sa nasabing bayan.

--Ads--

Wala namang suot na helmet ang biktima dahilan upang mabagok ang kaniyang ulo na siyang nagsanhi ng kanyang agarang pagkasawi.

Ani Lopez na walang pwedeng pagbintangan sa nasabing insidente dahil nasawi din ang aso at hindi pa matukoy ang posibleng may-ari nito.

Nananawagan naman siya sa mga pet owners na palagiang itali ang mga aso upang hindi makadisgrasya lalo na kung ito ay pagala-gala sa kalsada.

Samantala, sa mga nagmamaneho naman ng motorsiklo aniya ay ugaliing magsuot ng helmet para hindi maaksidente at magtamo ng parehas na danyos.